Hindi ko alam kong paano ko sisimulan ang istoryang ito. Sa dinami dami ng mga bumabagabag sakin at mga litanyang gumugulo saking utak hindi ko alam kung paano ko pagtagpitagpiin ang mga bagay bagay para magkaroon eto ng kabuluhan. Matagal na siguro akong hindi nakakapagsulat kaya’t ganito ang nangyayari ngayon- walang direksyon ang aking salita. Kinakalawang na ang isip kong puno noon ng mga talinghaga, mga talasalitaang malawak. Ang talim ng aking isip ay mapurol na at ang aking pagiging manunulat ay tiyak nang naitambak sa kung saan man.
Ewan ko ba ganito na talaga siguro pag hindi nagagamit ang mga kakayahan at mga angking galling natin- napupurol, nakakalimutan at unti-unti nawawala. Ang dunong na pag hindi ginamit at hinayaang nakatiwangwang lang sa isang lugar ay dadapuan ng pagkabulok at pagkasira. Kaya sa tagal siguro ng pagkakahimlay ng aking isip, ito’y inagiw na ng tuluyan.
Hindi ko alam kung paano ko sisimulan ito, at kung paano ko daragdagan pa ang mga sinabi ko kanina . Ang talento ko sa pagkukuwento’y tila isang lamparang aandap andap. Naghihingalo , naghahanap ng saklolo nang hindi tuluyang mamatay. Hindi ko alam kung paano ko tatapusin ang isang akdang hindi ko alam kung paano ko masisimulan at alinlangan ako kung paano ko durugtungan pa.
Wala na siguro itong kwenta pero hindi ayoko rin naming sumuko, kaya ito kahit naghihikahos pinipilit kong linisin ang agiw na bumalot sa aking isipan. Pilit na pinapatalas ang mapurol na talinghaga. Ginagapang ang mabatong pedestal ng kadunungan mula sa pagkakadapa. Hinahanap ang daan ng liwanag sa madilim na pagkakasadsad sa kamangmangan.